104 kaso ng Omicron subvariants, naitala sa Pinas

104 kaso ng Omicron subvariants, naitala sa Pinas

August 5, 2022 @ 4:22 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala pa ang Pilipinas ng dagdag na 104 pang kaso ng highly transmissible omicron subvariants na BA.5, BA.4, at BA.2.12.1, ayon sa Department of Health ngayong Biyernes.

Sa bilang na ito, 95 karagdagang kaso ang omicron BA.5, habang nasa 7 pang kaso ang BA.4, at 2 bagong kaso ng BA2.12.1 ang naitala, ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Ang pinakahuling bilang ay nagtaas ng kabuuang bilang ng bansa sa 3,107 BA.5 kaso, 174 BA.2.12.1 kaso, at 104 BA.4 kaso, ani Vergeire.

Sa 95 na bagong kaso ng BA.5, kabuuang 83 na ang nakarekober, habang 5 ang sumasailalim sa isolation, at bineberipika ang status ng natitirang 7 pasyente, ayon kay Vergeire.

Animnapu’t pitong pasyente ay mula sa Davao region, 25 mula sa Cagayan Valley, at tig-1 mula sa Northern Mindanao, Caraga, at Metro Manila, ani Vergeire.

Ang 7 sapul ng BA.4 na pasyente ay pawang gumaling na rin, ayon sa DOH OIC.

Lima sa mga pasyente ay mula sa Soccksargen at 2 ay mula sa Davao region. Ang lahat ay ganap na nabakunahan, dagdag ni Vergeire.

Samantala, ang dalawa pang BA.2.12.1 na kaso mula sa Davao region ang naitala, ay pareho nang naka-rekober, ani Vergeire.

Ang subvariant, na tinawag na “Centaurus” dahil sa mabilis na pagkalat nito, ay mas naililipat kaysa sa iba pang mga sublineage at malamang na magkaroon ng mataas na immune evasion, naunang sinabi ni Vergeire.

May kabuuang 71.8 milyong Pilipino ang ganap na nabakunahan noong Biyernes, ani Vergeire. Sa kabuuang bilang, 16.4 milyon ang nakatanggap ng karagdagang dosis, habang 1.4 milyon ang nakatanggap ng pangalawang booster, idinagdag niya. RNT