105 barangay lubog sa baha; Maguindanao nasa state of calamity

105 barangay lubog sa baha; Maguindanao nasa state of calamity

August 25, 2022 @ 9:56 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Isinailalim ng provincial board ng Maguindanao ang buong lalawigan sa state of calamity dahil sa naranasang baha na nagpalubog sa 105 na mga barangay sa hindi bababa sa 13 munisipalidad.

Sinabi ni Maguindanao Vice Governor Bai Ainee Sinsuat na ang deklarasyon ay inirekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDDRMO).

Sinabi ni Sinsuat na naapektuhan ng baha ang 105 barangay mula sa 508 barangay ng Maguindanao at 46,922 na pamilya o 234,610 na indibidwal sa 36 na bayan ang nawalan ng tirahan.

Anim na bayan ang una nang isinailalim ng kanilang mga opisyal sa state of calamity dahil sa paulit-ulit na pagbaha na dala ng malakas na pag-ulan mula noong huling linggo ng Hulyo at unang bahagi ng buwang ito.

Kabilang sa mga nalubog sa baha ang mga mababang lugar na Northern Kabuntalan, Upper Kabuntalan, Sultan sa Barongis, Datu Piang, Mamasapano, Rajah Buayan, Datu Salibo, Pagalungan, Datu Montawal, Guindulungan, Talayan, Talitay, and Datu Odin Sinsuat.

Binaha rin ang mga komunidad sa tabi ng Allah River sa Isulan, Bagumbayan, at Esperanza sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Sinabi ni PDRRMO chief Nasrullah Imam na nasa iba’t ibang evacuation sites ang mga apektadong pamilya habang ang ilan ay nasa bahay ng kanilang mga kamag-anak sa matataas na lugar.

Umabot naman sa P130 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa lalawigan.

Ani Ronjamin Maulana, Maguindanao provincial director ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Aquatic Resources sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kabilang sa mga napinsala ang mga palayan, maisan, at iba pang pananim.

Tinatayang nasa PHP115.2 milyon ang nasirang pananim ng palay, PHP11.2 milyon ang mais, at PHP4.1 milyon ang mga gulay. RNT