105 barangay sa Caloocan COVID-free na

105 barangay sa Caloocan COVID-free na

July 13, 2021 @ 10:43 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Hindi bababa sa 105 mga barangay sa lungsod ng Caloocan ang naitalang COVID-free na, base sa huling datos na inilabas ng City Health Department nitong, Hulyo 11, 2021.

Ito ay nangangahulugan na 55.85% na ng kabuuang bilang ng mga barangay sa lungsod ang walang aktibong kaso ng sakit o 83 mga barangay na lamang ang kasalukuyang may aktibong mga kaso.

Ayon kay Mayor Oscar Malapitan, mula sa 2,000 active cases noong Marso, sa ngayon ay mayroon na lamang 342 active cases sa Caloocan.

Samantala, tinatayang nasa mahigit 37,304 ang kabuuang bilang ng mga recoveries o mga tuluyan nang gumaling mula sa sakit.

Nagpapasalamat si Mayor Oca Malapitan sa patuloy na pakikiisa ng mga mamamayan sa lungsod, higit na sa mga health worker na nasa unahan ng laban kontra COVID-19.

“Alam kong pagod na pagod na ang lahat subalit hindi kayo sumusuko at patuloy na ginagampanan ang tungkulin. Maraming maraming salamat sa pagmamalasakit sa mga mamamayan ng Caloocan,” aniya.

Kasabay nito, nagbabala ang Punong-Lungsod hinggil sa Delta variant at patuloy na hinihikayat ang mga mamamayan na mag-ingat sa pamamagitan ng pagsunod sa health protocols.

“Huwag nating hintayin na magkaroon ng Delta variant sa ating lungsod. Huwag tayong magpakampante, patuloy tayong mag-ingat at hanggat maaari ay magpabakuna na para may panlaban tayo sa sakit,” ani Malapitan. Merly Iral