1,063 indibidwal inilikas sa Cagayan Valley sa hagupit ni ‘Obet’

1,063 indibidwal inilikas sa Cagayan Valley sa hagupit ni ‘Obet’

October 23, 2022 @ 9:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tinatayang umabot na sa 1,063 indibidwal o  331 pamilya ang nauna nang inilikas sa Cagayan Valley dahil kay  Tropical Depression Obet.

Sa  situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na 6,943 katao o 2,001 pamilya ang apektado ni  Obet.

Sa nasabing bilang, 902 katao o 282 pamilya sa  Region 1 at 2 ang dinala sa  23 evacuation centers.

May  396  katao naman o 122 pamilya sa kahalintulad na rehiyon ang nasa labas ng evacuation centers.

May kabuuang 35 flooding incidents, dalawang landslides, at isang soil erosion incident ang naitala sa Region 2. Habang 10 kalsada naman sa rehiyon ang hindi madaanan, dalawa sa nasabing bilang ang madadaanan na ngayon.

Mayroon namang 20 lungsod o munisipalidad ang sinuspinde ang klase habang tatlo naman ang sinuspinde ang pasok sa  trabaho.

Sa kabilang dako, sinabi ni  Office of Civil Defense-Region 2 Information Officer Michael Conag na may ilang lugar sa Region 2 ang nananatiling baha.

“Meron pa rin tayong napaulat na mga pagtaas ulit simula kahapon, at noong isang araw ay may mga pagtaas until above ankle ang pagbaha,” anito.

Nananatili naman sa evacuation centers ang ilang pamilya na nauna nang inilikas dahil sa Tropical Cyclones Maymay at Neneng.

Ani Conag, nirasyunan ang mga bakwit ng family food packs at modular tents.

Samantala, nakauwi na ng kani-kanilang tahanan ang ilang pamilya, Sabado ng umaga.

May 33 barangay naman ang nananatiling baha sa anim na bayan sa Cagayan.

Sa Barangay Dodan sa Aparri,  may ilang lokal ang gumamit ng bangka habang ang iba naman ang naglakad sa mga binahang kalsada.

Binaha rin ang mga palayan sa bayan ng  Santa Teresita.

Nananatili namang nasa ilalim ng  red alert ang Cagayan,  habang  naka-standby ang rescue personnel “in case of an emergency.” Kris Jose