10,775 pang bagong kaso ng COVID naitala; 58 patay, 605 nakarekober

10,775 pang bagong kaso ng COVID naitala; 58 patay, 605 nakarekober

January 5, 2022 @ 4:05 PM 7 months ago


MNAILA, Philippines- Sumirit ngayon sa 10,775 ang bilang ng bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) na naitala ngayong araw, ayon sa Department of Health (DOH).

Ito na ang pinakamataas na naitalang kaso sa nagdaang ilang buwan kung saan umabot na sa kabuuang  2,871,745 ang kaso ng COVID-19.

Ayon sa datos ng DOH, nasa 10,688 o 99 porsyento ang naitalang kaso  sa nagdaang 14 na araw mula mula Disyemre 23 hanggang Enero 5.

Nakapagtala naman ng 605 na bagong recoveries, habang 58 naman bagong nasawi.

Sa bilang ng bagong pumanaw, tig-walo ang naitala noong Disyembre at Nobyembre, 24 noong Oktubre, 15 noong Setyembre at tatlo noong Agosto dahil sa late encoding ng death information sa COVIDKaya.

Sa kasalukuyan, pumalo na sa 2,780,109 ang kabuuang gumaling sa COVID-19 at  51,662 na kabuuang namatay dahil sa virus.

Muli namang tumaas ang aktibong kaso na pumalo muli sa 39,974. Jocelyn Tabangcura-Domenden