10K doktor, nars, kailangan sa bansa

10K doktor, nars, kailangan sa bansa

September 23, 2022 @ 8:51 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nangangailangan ang pamahalaan ng hindi bababa sa 6,000 mga doktor at humigit-kumulang 4,000 na mga nars habang ang Pilipinas ay patuloy na humaharap sa COVID-19 pandemic, sinabi ni Marikina Representative Stella Quimbo nitong Huwebes, Setyembre 22.

Ginawa ni Quimbo ang pahayag habang itinataguyod sa plenaryo ng Kamara ang panukalang P301-bilyong badyet para sa 2023 ng Department of Health.

Kinumpirma ng senior vice chairperson ng House appropriations panel ang mga numero sa pagtatanong ni House Deputy Minority Leader France Castro ng ACT Teachers party-list.

“It is a matter of finding the right people and the right skills. But the DOH is making use of whatever positions are available,” sabi ni Quimbo.

Sinabi niya na magtatayo ng bagong ospital at opisina at mangangailangan ang mga ito ng manpower kaya magandang pahiwatig ito na mayroong mga posisyon sa plantilla na dapat punan.

Hindi naman naniniwala si Castro na walang nag-aapply para sa napakaraming posisyon na hindi napuno.

Sinabi ni Quimbo na ang bilang ay bahagi ng 21,021 na hindi napunan na posisyon sa DOH.

Sinabi niya na mahirap ang recruitment dahil sa mas mababang suweldo na inaalok sa sektor ng gobyerno.

Sinabi ni Quimbo na mahirap talagang mag-recruit ng doktor para magtrabaho sa gobyerno dahil mas mataas ang kompensasyon sa pribadong sektor.

“But rest assured that the agency is working on ways to upgrade the salary grades of our doctors, including psychologists, to address our mental health needs,” dagdag pa niya.

Hiniling ni Castro sa DOH ang mga panukala na itaas ang suweldo ng mga nars ng gobyerno sa P50,000 bawat buwan.

Gayunman, inamin ni Quimbo na ang nasabing halaga ay nangangailangan ng maraming trabaho.

Ayon kay Quimbo, maganda ang panukala na P50,000 kada buwan dahil pagod na pagod ang mga nars pero binigyan-diin din niya na importante rin na walang magiging wage distortions para rito. Jocelyn Tabangcura-Domenden