10K PWD sa P’que bibigyan ng tig-P2K food voucher

10K PWD sa P’que bibigyan ng tig-P2K food voucher

December 9, 2021 @ 10:05 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nasa 10,000 persons with disabilities o PWDs ang makatatanggap ng food vouchers na nagkakahalaga ng P2,000 bilang “Pamaskong Handog” sa kanila ng lokal na pamahalaan ng Paranaque.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez na ang isinagawang distribusyon ng food vouchers ng lokal na pamahalaan sa lahat ng PWDs ay manggagaling sa 16 na barangay sa lungsod.

Ayon kay Olivarez, ang mga PWDs na nagmula sa 5 barangay na kinabibilangan ng Barangay Sto. Nino, La Huerta, Vitalez, Don Galo at San Dionisio ay nauna nang nakatanggap ng kanilang mga food vouchers na bahagi ng “Pamaskong Handog” program ng lokal na pamahalaan.

Kasama ni Olivarez sa house-to-house distribution ng mga food packages ang kanyang nakababatang kapatid na si District 1 Rep. Eric Olivarez.

Sa isinagawang distribusyon ng mga food vouchers para sa mga PWDs sa Barangay San Dionisio ay sinabi ni Olivarez na ang lokal na pamahalaan ay nakapagturok na ng bakuna na mas higit pa sa vaccination target ng lungsod na umabot ng 120 porsiyento.

Nanawagan din si Olivarez sa mga hindi pa bakunadong residente sa lungsod na magpabakuna na para na rin sa kanilang proteksyon laban sa COVID-19.

Samantala, sinabi naman ni Parañaque City Public Information Office (PIO) chief Mar Jimenez na base sa ulat ng City Health Office (CHO) at City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng Disyembre 7 ay mayroon na lamang ding natitirang 30 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Pinaalalahanan din ni Jimenez ang mga residente na huwag magpakakampante at ipagpatuloy ang pagsunod sa ipinatutupad na basic health protocols para sa tuluyang pagtatapos ng nararanasang pandemya sa lungsod. James I. Catapusan