10M nabakunahan vs COVID sa extended vax drive- Galvez

10M nabakunahan vs COVID sa extended vax drive- Galvez

December 9, 2021 @ 6:36 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Nakapagbakuna na ang pamahalaan ng Pilipinas ng 10.2 milyong indibidwal laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa pinalawig na vaccination drive mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3.

Sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na aabot sa 10,254,560 doses ang naibakuna ng gobyerno sa buong bansa.

“This is our highest five-level average since we started our vaccination rollout in March,” ayon sa talumpati ni Galvez sa Bayanihan, Bakunahan event sa Mandaluyong City.

Dagdag pa niya, tumaas din ang average daily jab rate ng bansa sa 2.05 milyon.

Sa kasalukuyan, nasa 39.7 milyong Pilipino ang fully vaccinated na laban sa COVID-19 habang 57 miyon na ang naturukan ng first dose.

Orihinal na itinakda ang national vaccination days mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1. Pinalawig ito hanggang Disyembre 3 bilang tugon sa hiling ng ilang local government units. Magsasagawa naman ng second round sa Disyembre 15 hanggang 17.

Samantala, ani Galvez, 6.5 milyon o 22 porsyento ng kabataan edad 12 hanggang 17 ang bakunado na laban sa COVID-19.

“Sa ngayon nabilang ko po 6.5 million at tuwang-tuwa po kami dahil kasi maganda na po mag face-to-face na po ang ating mga estudyante,” sabi ni Galvez. RNT/SA