10th most wanted ng Las Piñas, nasakote sa Bataan

10th most wanted ng Las Piñas, nasakote sa Bataan

September 17, 2022 @ 12:12 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Arestado sa isinagawang follow-up operation ng mga miyembro ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ang isang 39-taong-gulang na lalaki na nasa ika-sampung most wanted sa listahan ng Las Piñas City police nitong Setyembre 15.

Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Jaime Santos ang inarestong suspect na si Anthony Guiquin, residente ng Las Piñas City.

Ayon kay Santos, inaresto ng mga tauhan ng WSS ang suspect na si Guiquin dakong ala-1 ng hapon sa Pilihan Market, Barangay Pilihan, Hermosa Bataan.

Sinabi ni Santos na naging matagumpay ang pagsasagawa ng follow-up operation ng mga tauhan ng WSS sa bisa ng inisyung warrant of arrest ni Las Piñas Regional Trial Court (RTC) Judge Harold Cesar Huliganga ng Branch 253 laban kay Guiquin na may petsang Hunyo 22, 2022 dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Drugs Act of 2022 at walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Makaraan ang pag-aresto sa suspect ay agad itong dinala sa Las Piñas City police station at kasalukuyang nakapiit sa police custodial facility.

Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) director P/Col. Kirby John Brion Kraft ang Las Piñas City police sa kanilang matagumpay na operasyon na nagdulot sa pagkakaaresto sa Top 10 most wanted person ng lungsod.

“I would like to commend the Las Piñas city police for their operation resulting in the apprehension of the Top 10 Most Wanted Person. I assure you that our campaign versus wanted persons remains ceaseless to account and arrest all persons sought by law,” ani Kraft. James I. Catapusan