11 fish port sa coastal provinces itayo – PBBM

11 fish port sa coastal provinces itayo – PBBM

March 14, 2023 @ 3:46 PM 7 days ago


MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatayo ng fish ports sa 11 coastal provinces sa bansa para matugunan ang mga hamon na kinahaharap ng mga mangingisdang Pinoy.

Binanggit ng Pangulo ang direktiba niyang ito sa isinagawang sectoral meeting, sa Palasyo ng Malakanyang, Martes, Marso 14.

Ipinag-utos ng Pangulo sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na iprayoridad ang pagtatayo ng fish port sa 11 coastal provinces na naglalayong “to capacitate and empower fisherfolks towards resiliency.”

Ipinag-utos din ng Chief Executive ang rehabilitasyon ng 20 identified municipal fish ports na tinawag bilang traditional landing ports sa bansa.

Ang nasabing hakbang ayon sa Pangulo ay naglalayon na bawasan ang post-harvest losses sa pamamagitan ng konstruksyon ng cold storage facilities sa fish ports sa buong bansa.

Ipinag-utos din ng Punong Ehekutibo sa mga ahensiya na magbigay ng small-scale fisherfolks ice-making machines at matinding pagsasanay, at mamahagi ng equipment upang maibaba ang post-harvest losses.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kabilang sa mga hamon na kinahaharap ng fisheries sector ay ang mababang huli ng mga isda, mataas na poverty incidence at post-harvest losses, kung saan, sa kasalukuyan ay 25 hanggang 40% ang nawawala o nalulugi kasama na ang value chain.

Samantala, ipinresenta naman ng ahensiya sa Pangulo ang estratehiya para itaas ang fish production sa pamamagitan ng aquaculture ng 10% annually sa loob ng anim na taon para makapag-ambag sa food security habang pinagagaan ang presyur mula sa “capture fisheries at enabling resources to recover.” Kris Jose