11 kababaihan nasagip ng NBI sa sexual exploitation

11 kababaihan nasagip ng NBI sa sexual exploitation

November 2, 2022 @ 6:16 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 11 kababaihan kasama ang isang menor de edad na ibinubugaw para sa sexual exploitation habang naaresto naman ang isang ginang sa Balayan, Batangas.

Kinilala ng NBI-CALABARZON ang suspek na si Darrah Mae Grey y Macabenta.

Inaresto ang suspek sa entrapment operation buhat sa impormasyon na natanggap kaugnay sa isang Facebook account user na “Darrah Mae Grey” na sangkot sa mga ipinagbabawal na aktibidad ng pagbibigay, pag-aalok, at pagdadala ng mga kababaihan, na ang ilan sa kanila ay pinaniniwalaang mga menor de edad, para sa seksuwal na pagsasamantala sa mga nagbabayad na customer.

Ayon sa NBI, sa pamamagitan umano ng Facebook messenger isinasagawa ang booking kung saan nagbibigay ang suspek ng babaeng escort para sa sexual engagement sa halagang P2,500.00 sa resort sa Balayan, Batangas.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at isinalang na sa Inquest proceedings sa Provincial Prosecutor’s Office ng Batangas City. Jocelyn Tabangcura-Domenden