11 naiulat na patay sa LPA – OCD exec

11 naiulat na patay sa LPA – OCD exec

January 10, 2023 @ 5:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Naiulat na nasawi ang 11 indibidwal dahil sa epekto ng low pressure area (LPA) sa silangan ng Surigao del Sur, base kay Office of Civil Defense (OCD) Joint Information Center head Diego Agustin Mariano nitong Martes.

Sinabi ni Mariano na hanggang alas-8 ng umaga, nasa 263,906 indibdiwal o 63,101 pamilya ang apektado ng LPA na nagdudulot ng pag-ulan sa Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Mimaropa, Northern Mindanao, Davao, at Bangsamoro.

Sa bilang na ito, 3,387 indibidwal o 815 pamilya ang inilikas.

Tinatayang aabot sa P125,490,260 ang pinsala sa imprastraktura habang P77,934,325 naman sa agrikultura.

Umabot naman sa P8,984,566 ang naipamahaging tulong sa mga biktima, ayon kay Mariano.

Sa 11 a.m. advisory, sinabi ng state weather bureau PAGASA na ang LPA ay nasa layong 425 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur kaninang alas-10 ng umaga.

Bagama’t maliit ang posibilidad na maging tropical depression, sinabi ng PAGASA na magdudulot ang LPA ng “moderate to heavy with at times intense rains” sa Sorsogon, Masbate, Eastern Visayas, Dinagat Islands, Surigao Del Norte, Surigao del Sur, at Agusan del Norte.

Makararanas naman ng “light to moderate with at times heavy rains” sa Agusan del Sur, rehiyon ng Davao at Northern Mindanao, gayundin sa natitirang bahagi ng Bicol at Visayas, dagdag pa nito.

Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa. RNT/SA