11 parak kinasuhan sa ‘fake shooutout’ vs 3 tinaniman ng ebidensya

11 parak kinasuhan sa ‘fake shooutout’ vs 3 tinaniman ng ebidensya

February 18, 2022 @ 7:27 AM 5 months ago


MANILA, Philippines – Tatlong bilang ng kasong murder at iba pa, ang pormal nang inihain sa Department of Justice ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga pulis na sangkot sa umano’y pagpatay sa 28-anyos na rent-a-car driver at dalawang iba pa sa Barangay Busac, Oas, Albay.

Kasama ng NBI-Death Investigation Division, inihain ni Gng. Evelyn Samson Bautista, ina ng biktimang si Jose Maria Arvin Samson Bautista at naulilang ginang na Frances Louissie Bautista ang mga kaso sa DOJ.

Kabilang sa mga sinampahan ng reklamong murder at planting of evidence ang mga sumusunod:

1. Hepe ng Oas Municipal Police Station na si Police Major Jerald John Villafuerte y Buned;
2. Police Major Ray Anthony Villanueva;
3. Police Captain Raul Racho y Requerque; 4.Police Liutenant Victor B.Borjal;
5. Police Staff Sergeant Mark Anthony Reblora;
6. Police Master Sergeant Nestor Salire Jr y Orosco;
7. Patrolman Geoffrey Avila y Vargas;
8. Police Staff Master Sergeant Romeo R.Raro Jr;
9. Police Chief Master Sergeant Marvin Boral y Reoveros;
10. Police Staff Sergeant Henry Ballon y Conor; at
11. Police Staff Sergeant Mark Jay Sevilla y Tugano.

Ayon sa NBI, umalis si Bautista sa Valenzuela City noong Hulyo 19, 2021 bilang driver ng kulay silver na Suzuki Ertiga na may plate number NEK-1508 at ang paalam sa kanyang maybahay na si April ay may umarkila sa kanya patungo sa Quezon Province na one way trip lang dahil hindi na umano kasama pabalik sa Maynila ang dalawang pasaherong sina Ramon Mutuc Jr. at Gregorio Garcia.

Nitong Hulyo 20 nang nakatanggap ng tawag sa cellphone si Gng. Evelyn mula sa nagpakilalang pulis ng Oas Albay at sinabing kasama ang kanyang anak sa napatay sa umano’y shootout.

Batay sa 211 pahinang complaint affidavit na inihain ng NBI sa Department of Justice ay nakasaad na lumitaw sa kanilang imbestigasyon at nakalap na mga ebidensya na hindi shootout ang nangyari dahil negatibo sa powder burns o sa paraffin test ang tatlong biktima na ibig sabihin ay hindi sila nagpaputok ng baril at maaaring tinanim lang ang mga baril na nakuha sa crime scene.

Nalaman na ang salamin at pintuan ng sasakyan ay wala ring tama ng bala.

Batay sa trajectory o direksyon ng mga bala, tila binaril na nakaluhod ang mga biktima at iba pang mga ebidensya na taliwas sa sinasabi ng Oas Albay PNP, bukod pa sa lumitaw din sa re-autopsy ng NBI na may mga sugat sa kamay (wrist) si Bautista na palatandaang iginapos o ipinosas ito.

Batay sa Facebook page ng Oas Albay PNP ay narekober sa lugar ang 350 gramo ng hinihinalang shabu at walang nakasulat duon na may nakumpiskang mga baril, pero sa kanilang accomplishment report ay biglang nagbago at may nakasaad na may nakuha na silang isang colt .45 caliber at dalawang .38 caliber na kinontra naman ng NBI dahil lumitaw sa kanilang imbestigasyon na planted ang lahat ng mga ebidensya. Jocelyn Tabangcura-Domenden