11 patay, 6 nawawala sa bagyong Karding – NDRRMC

11 patay, 6 nawawala sa bagyong Karding – NDRRMC

September 29, 2022 @ 1:41 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tumaas na sa 11 katao ang namatay dahil kay bagyong Karding.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang walong namatay ay kumpirmado na.

Kabilang sa nabanggit na bilang ang limang rescuers sa San Miguel, Bulacan dahil sa pagkalunod; isa sa Baliuag, Bulacan dahil pa rin sa pagkalunod; isa sa Zambales sanhi ng pagkalunod at isang rin mula sa Burdeos, Quezon.

Sa kabilang dako, ang mga sumusunod naman na namatay subalit hindi pa beripikado ayon sa NDRRMC ay isa mula sa Zambales dahil sa aksidente sa motorsiklo, isa sa Antipolo at Tanay, Rizal kapwa dahil sa pagkalunod.

Iniulat din ng NDRRMC na may limang mangingisda sa Mercedes, Camarines Norte at isang katao sa Antipolo, Rizal ang nananatiling nawawala dahil sa bagyo.

Sa naging report pa rin ng NDRRMC, may 640,963 katao o 176,337 pamilya ang naapektuhan ng bagyong Karding sa 1,372 barangay sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol at Cordillera.

Sa apektadong populasyon, 25,177 katao o 6,435 pamilya ang nananatili sa loob ng 391 evacuation centers habang may 15,286 indibiduwal o 3,482 pamilya ang namamalagi sa ibang lugar.

Bukod pa rito, may kabuuang 23,151 pamilya o 91,169 katao ang ‘pre-emptively evacuated.’

“A total of 20,628 houses sustained damage—18,110 partially and 2,518 totally—in Ilocos, Cagayan, Central Luzon, and Cordillera due to Karding,” ayon sa NDRRMC.

Sa kasalukuyan, may 35 lungsod at munisipalidad na ang idineklarang nasa ilalim ng State of Calamity kabilang na ang buong lalawigan ng Nueva Ecija at ang mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe, Pampanga at San Miguel, Bulacan.

May kabuuang P152,209,851 halaga ng pinsala sa agrikultura ang naiulat sa Ilocos, Calabarzon, Bicol, at Cordillera.

Para sa imprastraktura, ang pinsala ay umabot sa halagang P23,447,400 ang naiulat sa Ilocos, Mimaropa, Bicol, at Cordillera. Kris Jose