11 pulis sugatan sa bumaligtad na patrol car

11 pulis sugatan sa bumaligtad na patrol car

November 29, 2022 @ 5:36 PM 2 months ago


NEGROS OCCIDENTAL- Nakalabas na ng ospital ang 11 pulis na nasugatan matapos bumaligtad ang sinasakyan nilang patrol kahapon ng umaga sa bayan ng Candoni.

Kinilala ang mga sugatan na sina Patrolman Jerome Tolentino; Patrolman Joey Bana-ag; .Patrolman Eric Abela; Patrolman Bryan Ambajan; Patrolman Immam James Apucay; Jared King Dadivas; Police Corporal Mark Jel Salazar; Police Corporal John Arevalo; Police Corporal Reggie Tacdoro; Police Corporal Noriel Vergara; Police Corporal Kenneth Valiao, lahat ay mga kasapi ng 604th company sang Regional Mobile Force Battalion 6 .

Batay sa report ng Candoni Municipal Police Station, bandang alas-11 ng umaga naganap ang insidente sa kahabaan ng National Road, Purok 1, Barangay Caningay, Candoni, Negros Occidental.

Lumabas sa imbestigasyon, sakay ang 16 na pulis ng JMC Troop Carrier na minamaneho ni Patrolman Emam James Apucay at nagsasagawa ng routinary road patrol at hinahanap ang daan patungong Brgy Caningay, Candoni patungong Candoni proper.

Pagsapit sa pakurbadang bahagi ng kalsada bigla na lamang nawalan ng kontrol sa manibela si Apucay dahilan para bumaligtad ang mga ito.

Agad naman dinala sa Candoni Rural Health Unit ang mga sugatan at nilapatan ng lunas habang ang tatlo ay inilipat sa Holy Mother of Mercy Hospital sa Kabankalan City.

Ayon kay. Judesses Catalogo, public information officer ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOCPPO), nakalabas na ng ospital ang 11 pulis matapos malapatan ng lunas at nakabalik na rin sa kani-kanilang mga yunit. Mary Anne Sapico