11 tiklo sa P1M puslit na sigarilyo

11 tiklo sa P1M puslit na sigarilyo

November 8, 2022 @ 2:34 PM 4 weeks ago


PARANG, Maguindanao del Norte –Arestado ang 11 indibidwal matapos makuhanan ng aabot sa P1 milyong halaga ng puslit na sigarilyo sa isinagawang operasyon kahapon (Lunes) sa lalawigan ito.

Kinilala ni Brig. Gen. John Guyguyon, police regional director for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang isa sa mga suspek na si Julaspi Ismael, at lahat ay residente sa Siasi, Sulu.

Sa report ng Parang Municipal Police Station, inilatag ang operasyon laban sa mga suspek matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa illegal na kargamento ng grupo ng kalalakihan sakay bangkang de motor sa Sitio Lower Pinantao, Barangay Pinantao, Parang.

Pagdating sa naturang lugar naabutan pa ng operatiba ang mga suspek na ibinababa ang nasa 50 kahon na puslit na sigarilyo at aabot sa halagang P1 milyon.

Hiningan ang mga ito ng kaukulang dokumento subalit bigo silang maipakita.

Kasalukuyang nakakulong sa Parang police detention facility ang mga suspek inihahanda ang kasong isasampa.

Nakatakda naman i-turn-over sa Bureau of Customs (BoC) para sa tamang disposisyon. Mary Anne Sapico