11,000 obrero sisibakin ni Zuckerberg

11,000 obrero sisibakin ni Zuckerberg

November 10, 2022 @ 7:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Mark Zuckerberg na sisibakin nito ang 11,000 obrero mula sa 87,000 kabuuang bilang ng manggagawa nito.

Sinabi ni Zuckerberg na makatatanggap ang mga mawawalan ng trabaho ng email at susunod na rito ang mga tatanggapin nilang mga separation pay at benepisyo.

Tatanggap ang mga empleyado ng separation pay na doble sa kanilang sahod para sa 16 linggo o apat na buwan at isang linggo sahod para sa kada taon na serbisyo sa Facebook na pinangalanang Meta sa kalaunan.

Katwiran ni Zuckerberg, hindi nito inasahan na babagsak ang kalagayan ng kompanya dahil sa matinding kompetisyon mula sa ibang mga social media, lalo na ang tiktok.

Nagtitipid din ang malalaking kompanyang naglalagay ng advertisement sa Meta dahil krisis pang-ekonomiya o recession na nararanasan ng buong mundo.

Nauna rito, nagkaroon ng $1 trilyong halaga ng Meta noong nakaraang taon ngunit bumagsak ito sa $250B sa mga buwang ito dahil sa pagkalugi.

Nauna rito, pinagsisibak naman ni Elon Musk ang kalahati ng 7,500 empleyado nito dahil din sa pagkalugi ng $4 milyon araw-araw.

Nalulugi ang kompanya dahil sa pag-alis din ng malalaking kompanyang nag-aadvertize dito sa sulsol umano ng mga aktibista na aktibo sa mga problema sa human rights at pulitika.

Pinupuna ang Twitter na punom-puno umano ngayon ng mga paninira subalit sinasabi ni Musk na bahagi lang lahat ng kanyang balakin na gawin ang Twitter na daanan ng tunay na kalayaan sa pamamahayag. RNT