1,118 new COVID cases naitala ng DOH noong May 9-15

1,118 new COVID cases naitala ng DOH noong May 9-15

May 16, 2022 @ 3:53 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala pa ng 1,118 na bagong kaso ng coronavirus disease ang Department of Health (DOH) mula Mayo 9 hanggang 15,2022.

Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 160, mas mababa ng 0.3 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong May 2 hanggang Mayo 8.

Sa mga bagong kaso, 14 sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman. Samantala, mayroon namang naitalang 16 na pumanaw kung saan 10 ay naganap noong Mayo 2 hanggang 15.

Mayroon ding 588 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa  mga ospital dahil sa COVID-19 noong May 15.

Sa 2,812 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 438 (15.6%) ang okupado. Samantala, 17.5% ng 23,707 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Higit sa 68 milyong indibidwal o 76.29% ng  target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 13.6 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, 6.7 milyong senior citizens o 77.12% ng ating target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series. Jocelyn Tabangcura-Domenden