118 establisimyento sa Las Piñas may safety seal certification

118 establisimyento sa Las Piñas may safety seal certification

July 14, 2021 @ 10:00 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na 118 sa 149 establisimiyentong ininspeksyon ng certification team ang ginawaran na ng safety seal certification sa lungsod.

Sa mga sinuring establisimiyento, napagkalooban ng safety seal certification ang 118 na mga negosyo dahil sa pagkapasa nito sa implementasyon ng health at safety protocols checklist upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19.

Ayon pa sa report, ang 31 business establishments na ininspeksyon at sinuri ay kinakailangan pa ring sumunod sa iba pang requirements bago pa man gawaran ang mga ito ng safety seal certification.

Nanawagan din si Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar sa 31 business establishments sa lungsod na sundin ang ilan pa sa checklist requirements na kanila pang nararapat na sundin upang makamit na rin ang safety seal certification.

Sinabi ni Aguilar na ang safety seal certification ay magpapalago ng mga oportunidad at maiangat ang kapasidad ng kanilang operasyon sa negosyo.

Dagdag pa ni Aguilar na ang naturang safety seal ay magiging mabisa ng hanggang anim na buwan na maaaring i-renew, tanggalin o panatilihin base na rin sa gagawing pagsusuri ng komite.

Ang Safety Seal Inspection Team na binuo ni Aguilar ay kinabibilangan nina City Administrator Reynaldo Balagulan, City Public Information Officer (PIO) Paul Ahljay San Miguel at ng iba pang opisina ng lokal na pamahalaan. James I. Catapusan