12 batang may sakit, binakunahan vs COVID-19 sa PGH 

12 batang may sakit, binakunahan vs COVID-19 sa PGH 

October 15, 2021 @ 6:37 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Nabakunahan na ang 12 batang may sakit sa Philippine General Hospital (PGH) nitong Biyernes sa pagbubukas ng pediatric vaccination.

Iniulat naman na walang naitalang side effect ang bakuna sa kanila.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni PGH Spokesperson Dr. Jonas Del na 12 pasyenteng may comorbidity mula edad 12 hanggang 17 ang nakibahagi sa pagbubukas ng pagbabakuna sa mga bata sa ospital.

“So far, so good. Meron kaming system in place,” ani Del Rosario.

“Napansin ko talagang maingat ngayon. Medyo deliberately mabagal siguro para talagang maalis namin ang pangamba ng mga magulang,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Del Rosario na ilan sa mga bata ay takot sa bakuna.

“Parang kinakabahan pa din sa tusok yung mga bata… pero nandun ang mga magulang to assure.”

Ang PGH ay isa sa walong ospital sa Maynila na napili upang pangunahan ang pagsasagawa ng pagtutundo sa mga menor de edad at mga may kasakitan.

Ang iba pang ospital ay ang Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe Del Mundo Medical Center, St. Luke’s Medical Center (Bonifacio Global City), and Makati Medical Center.

Samantala, magbibigay pa ng karagdagang detalye ang Department of Health (DOH) kung ilang batang maysakit ang nakatanggap ng kanilang unang dose sa unang araw ng pagbabakuna sa mga bata.

“Magbibigay po tayo ng karagdagang impormasyon at iba pa pong documentations in the coming days para sa inyong lahat,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

“Maybe after one week, we can give you a rundown of how many children were vaccinated based on the number of patients that we have in that specific hospital,” dagdag pa niya.

Giniit din ni Vergeire na wala pang eksaktong bilang ng mga batang may sakit ang maaaring makasama sa paunang yugto ng pagbabakuna,

“What we are relying on right now would be the pool of patients of the pediatricians in the identified hospitals,” pahayag niya.