12 beses na Yellow Alert sa Luzon Grid posible ngayong taon – DOE

12 beses na Yellow Alert sa Luzon Grid posible ngayong taon – DOE

January 9, 2023 @ 5:33 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Asahan na posibleng mailagay ng hanggang 12 beses sa yellow alert status ang Luzon Grid simula Marso ngayong taon.

Ito ang pagtaya ng Department of Energy (DOE) habang hindi naman inaasahan na mailalagay ito sa red alert status.

Ayon kay Energy Undersecretary Rowena Cristina Guevarra nitong Lunes, Enero 9, posible na ilagay sa yellow alert status ang Luzon Grid sa week 11 ng Marso, week 13 at 17 sa Abril, lahat ng linggo ng Mayo, week 22 at 23 sa Hunyo, week 35 sa Setyembre, week 42 sa Oktubre at week 47 sa Nobyembre.

Ang yellow alert status ay nangangahulugan na may manipis na suplay ng kuryente batay sa supply at demand habang ang red alert naman ay mayroon nang kakulangan sa kuryente o walang ancillary services para tumugon dito.

“Sana wala tayong sudden outage because if we have, let’s say, one plant na biglang nasara, magkaka-red alert tayo don ‘pag nagkataon,” ani Guevarra sa isang virtual briefing.

“Kung hindi tayo nagkapandemic, online na ‘yung mga renewable energy sources natin. When we checked ‘yung mga renewable energy generators, talagang bumagal talaga ‘yung kanilang pagbuo at pagpapatakbo,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi pa ni Guevarra na posible namang ilagay sa yellow alert status ang Visayas ng hanggang limang beses at wala namang inaasahan na alert status sa Mindanao sa ngayon.

“Hindi natin dapat tignan ‘yung demand side management na parang panakip butas lamang. Dapat ito ay nagiging ano na, natural element or embedded already in our entire management system,” pagbabahagi naman ni Energy Secretary Raphael Lotilla.

“‘Yung pagpasok ng mga planta at pagpapatayo ng mga planta takes time. Hindi ito maaring gawin overnight, so ‘yun ang ina-address natin sa medium term to long term,” dagdag pa. RNT/JGC