12 lugar, signal no. 1 kay bagyong Florita

12 lugar, signal no. 1 kay bagyong Florita

August 22, 2022 @ 6:47 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aaabot sa 12 lugar ang nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 ngayong Lunes na siya ring unang araw ng pasukan sa mga eskwelahan matapos na napanatili ng Tropical Depression Florita ang lakas nito, sinabi ng PAGASA.

Kabilang sa mga lugar na nakasailalim sa TCWS No. 1 ay ang mga sumusunod na lugar:

  • Cagayan;

  • Isabela;

  • Quirino;

  • Nueva Vizcaya;

  • Apayao;

  • Abra;

  • Kalinga;

  • Mountain Province;

  • Ifugao;

  • Ilocos Norte;

  • Ilocos Sur; at

  • ang hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao).

Sa ilalim ng signal no. 1 ang mga lugar na ito ay nakararanas ng malakas na hangin sa loob ng susunod na 36 na oras.

Alas-4 ng umaga, ang sentro ng Florita ay matatagpuan 310 km silangan ng Casiguran, Aurora.

Ang Florita ay may maximum sustained winds na 55 km/h malapit sa gitna, pagbugsong aabot sa 70 km/h, at central pressure na 1000 hPa.

Ang tropical depression ay kumikilos pakanluran timog-kanluran sa bilis na 20 km/h sa ibabaw ng Philippine Sea sa silangan ng Cagayan.

Mula sa sentro ng Florita, ang malakas na hangin ay umaabot palabas hanggang 220 km.

Inaasahang magla-landfall si Florita sa paligid ng silangang baybayin ng Cagayan o hilagang Isabela sa Martes ng hapon, batay sa forecast track ng PAGASA.

Samantala, makararanas ang Cagayan, Isabela, Batanes, at Aurora ng mahina hanggang katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan hanggang Lunes ng gabi.

Mula Lunes ng gabi hanggang Martes ng gabi, gayunpaman, ang malakas hanggang sa matinding pag-ulan ay inaasahan sa Cagayan, Isabela, Batanes, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region.

Ang hilagang bahagi ng Aurora, Zambales, Bataan, at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley ay magkakaroon ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan, habang ang natitirang bahagi ng Central Luzon ay maaaring makaranas ng mahina hanggang sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ibinabala rin ng PAGASA ang kalat-kalat na malawakang pagbaha, kabilang ang mga flash flood, at pagguho ng lupa na dulot ng ulan.

Ang Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, at Visayas naman ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa labangan o extension ng Florita at Southwest Monsoon (Habagat). Ang mga flash flood o landslide ay maaaring mangyari sa panahon ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Ang Mindanao, sa kabilang banda, ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng mga localized thunderstorms. Sa panahon ng matinding bagyo, maaaring magresulta ang flash flood o landslide.

Inaasahang magpapatuloy ang Florita sa kanluran timog-kanluran o pakanluran sa susunod na 12 oras.

Pagkatapos ay liliko ito pakanluran hilagang-kanluran o hilagang-kanluran sa Lunes ng hapon o gabi.

Pagkatapos nitong mag-landfall na posibleng nasa paligid ng silangang baybayin ng Cagayan o hilagang Isabela sa Martes ng hapon, tatawid si Florita sa Babuyan Channel at maaaring dumaan malapit o mag-landfall sa paligid ng Babuyan Islands bukas ng gabi o Miyerkules ng madaling araw bago lumusot sa West Philippine Sea.

Sinabi ng PAGASA na maaaring lumakas ang Florita at umabot sa kategoryang tropical storm ngayong Lunes.

Pinayuhan ng PAGASA ang publiko at disaster risk reduction and management offices na may kinalaman na gawin ang mga kinakailangang pag-iingat. RNT