12 opisyal ng CIIF-OMG, nagbitiw sa puwesto bilang protesta

12 opisyal ng CIIF-OMG, nagbitiw sa puwesto bilang protesta

July 13, 2018 @ 8:48 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nagbitiw sa puwesto ang 12 na opisyal ng Coconut Industry Investment Fund-Oil Mills Group (CIFF-OMG) bilang protesta sa pagtatalaga ng isang opisyal na anila’y may mga kasong kriminal at administratibo.

Itinalaga ng Palasyo ang kasalukuyang miyembro ng board of directors na si Rehan Lao bilang president at CEO ng kompanya.

Ayon sa mga nagbitiw na opisyal, mayroong kaso sa Ombudsman si Lao sa hindi paghahain ng kaniyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Dagdag pa rito, may kaso umano si Lao ng misrepresentation dahil sinabi umano niya sa kaniyang social media accounts na siya na ang presidente ng naturang kompanya.

Dahil dito, sa pangunguna ni Chairman of the board na si Eddie Delima, at kasalukuyang president at CEO na si Benedicto Lor, nagbitiw sila sa puwesto kasama ng sampu pang opisyal.

Anila, tinanggap na ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang kanilang resignation.

Epektibo simula bukas (July14), hindi na mag-ooperate ang CIIF-OMG na nagpapatakbo ng 3 oil mills sa bansa.

Matatagpuan ang tatlong mills sa Legazpi, Albay, at sa Bauan, Batangas.

Ang tatlong mills ay gumagawa ng crude coconut oil mula sa kopra na ine-export sa ibang bansa.

Ang hakbang na ito ay makakaapekto hindi lamang sa coconut oil exports kundi pati na rin sa libo-libong magsasaka.

Tinatayang nasa P400,000  kada araw kada planta ang mawawala dahil sa kanilang resignation. (Remate News Team)