12 PAMAMARAAN PARA MAPANGALAGAAN ANG ATING MGA MATA

12 PAMAMARAAN PARA MAPANGALAGAAN ANG ATING MGA MATA

August 22, 2022 @ 7:19 PM 1 month ago


Ang inyong Agarang Serbisyo Lady ay nakikiisa sa obserbasyon ng “Sight Saving Month” alinsunod sa Presidential Proclamation No. 40 na ang nag-utos ay si dating Pangulong Ramon Magsaysay noong taong 1954.

 Alam n’yo bang batay sa datus ng WHO o ng World Health Organization, nasa 2.2 billion katao sa buong mundo ang mayroong vision impairment o problema sa paningin.  

 Sa malaking bilang na ito, nasa 2.51 million nating mga kababayan ay nasa kategorya bilang bilaterally blind at bilateral low vision.

 Pero ang higit na nakakabahala, ayon mismo sa DOH o Department of Health, nasa higit-kumulang 4 million Filipinos ang may undiagnosed eye problems partikular sa mga malalayong bahagi ng bansa o iyong tinatawag nating mga geographically isolated and disadvantaged areas, kung saan ay malayo sa mga pagamutan.

 Noong taong 1954 kung kailan sinimulan itong taunang Sight Saving Month nasa 40,000 lamang ang bulag sa bansa, pero ngayon ayon sa DOH ay nasa 2.18 million nating mga kababayan ang bulag, at pangunahing dahilan nito ang cataracts at glaucoma.

 Mayroong labingdalawang pamamaraan para mapangalagaan natin ang kalusugan ng ating mga mata, kabilang diyan ang –

  • Iwasan na palagiang kusutin ang mga mata gamit ang kamay lalo na kapag napuwing.

  • Seguruhin na malinis ang kamay bago ihawak sa mga mata, ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay.

  • Protektahan ang mga mata buhat sa direktang sinag ng araw dahil maaaring maging sanhi ito ng cornea sunburn o ng photokeratitis.

  • Uminom ng maraming tubig sa bawat araw.

  • Iwasan ang paninigarilyo.

  • Seguruhin ang balanseng pagkain.

  • Kung gumagamit ng computer o laptop, dapat na nasa isang braso ang layo ng monitor sa mga mata.

  • Gawin ang “20-20-20 rule” na kinabibilangan ng paglayo ng pagtingin ng mga mata sa computer monitor bawat twenty minutes; pagpikit at pagdilat ng mga mata ng twenty times; at kada twenty minutes, tumayo mula sa harapan ng monitor at maglakad ng 20 steps.

  • Sa mga gumagamit ng make-up, seguruhin na tamang eye make-up ang ginagamit na walang kemikal na nakasasama sa kalusugan.

  • Magkaroon ng sapat na tulog para makapagpahinga ang mga mata.

  • Hangga’t maaari ay magsuot ng mga tamang eye protective gear kapag nasa mga delikadong aktibidad.

  • Panatilihin at seguruhin ang kalinisan ng kapaligiran para iwas impeksyon sa mata.

 Sa ganang akin, simple lamang ang mga nabanggit kong pamamaraan para sa wastong kalusugan ng ating mga mata. Tandaan natin, palaging nasa bandang huli ang pagsisisi. Sa pamamagitan ng ating mga mata ay nakikita natin ang kagandahan ng kapaligiran at ng buhay.