12 pang LEDAC priority measures ni PBBM tatalakayin sa Enero

12 pang LEDAC priority measures ni PBBM tatalakayin sa Enero

December 23, 2022 @ 4:19 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na agad isasalang sa deliberasyon ng House of Representatives ang 12 pang Legislative-Executive Development Advisory Council(LEDAC) priority measures ng Marcos administration sa pagbabalik ng sesyon sa Enero.

Ayon kay Romualdez, ilan sa inaasahang maipasa sa susunod na taon ay ang pag-amyenda sa EPIRA law, E-Governance Act, paglikha ng Department of Water Resources at iba pa.

Bago ang Christmas break ng Kamara ay naipasa nito sa ikatlo at huling pagbasa ang 19 na legislative measures kung saan kasama dito ay ang pagpapatibay sa 2023 General Appropriations Bill at ang Maharlika Investment Fund (MIF).

Tiwala si Romualdez na nasa tamang direksyon ang Mababang Kapulungan sa pagpasa nito sa MIF, aniya, may sapat na safeguards at pinagtibay ang mga amyenda sa MIF bill para masiguro na mabibigyan ng proteksiyon ang pondo ng bayan.

Matatandaan na ilang business group ang naghayag ng suporta sa MIF subalit isa hanay ng mga mambabatas ay nagpahayag ng pagtutol dito si Basilan Rep. Mujiv Hataman.

Si Hataman ay isa sa anim na bumoto ng “No” sa pagpasa ng House Bill 6608 o Maharlika Investment Fund bill.

Sinabi ni Hataman na minadali ang pagpasa ng MIF Bill na sana ay pinadaan sa butas ng karayom at pinag-aralan o tinalakay munang mabuti.

Ikinatwiran niya na ang kanyang hindi pagsang-ayon sa panukala ay base na rin sa naunang pahayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla na nagsabing baka matulad ang MIF sa sovereign wealth fund ng Malaysia na nasangkot sa isa sa pinakamalaking iskandalo ng katiwalian sa buong mundo.

Para kay Hataman, maraming tanong ang hindi nasasagot ukol sa MIF dahil hindi ito dumaan sa isang feasibility study. Gail Mendoza