12 patay kay Karding!

12 patay kay Karding!

September 30, 2022 @ 11:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 12 ang naiulat na nasawi sa hagupit ni Bagyong Karding, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Biyernes.

Sa ulat nito, sinabi ng NDRRMC na ang mga nasawi ay iniulat sa Central Luzon at Calabarzon.

Sa 12 na pagkamatay, walo ang na-verify na kung saan kabilang dito ang limang nasawing rescuer sa San Miguel, Bulacan dahil sa pagkalunod; isa sa Baliuag, Bulacan dahil sa pagkalunod; isa sa Zambales dahil sa pagkalunod; at isa sa Burdeos, Quezon.

Hindi pa naman nabeberipika ang mga naiulat na dalawang namatay sa Tanay, Rizal dahil sa pagkalunod; isa sa Antipolo, Rizal dahil sa pagkalunod; at isang namatay sa Zambales dahil sa aksidente sa motorsiklo.

Sinabi ng NDRRMC na anim na tao ang naiulat na nawawala sa Bicol at Calabarzon, at 52 ang naiulat na nasugatan sa Central Luzon at Calabarzon.

May kabuuang 911,404 katao o 245,063 pamilya ang apektado ng Karding sa 1,759 barangay sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Cordillera, ayon sa NDRRMC.

Idinagdag nito na 3,955 katao o 921 pamilya ang nananatili sa loob ng 27 evacuation centers habang 43,860 indibidwal o 8,951 pamilya ang nakasilong sa ibang lugar.

Dahil sa bagyo, 56,916 na bahay ang napinsala — 50,025 partially at 6,891 totally — sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, at Cordillera.

Umabot sa P3,053,218,120 ang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Bicol, at Cordillera. Ang National Irrigation Administration (NIA), sa kabilang banda, ay nag-ulat ng P23.75 milyon halaga ng pinsala sa Cagayan, Bicol, at Calabarzon.

Para sa imprastraktura, sinabi ng NDRRMC na P23,947,400 halaga ng pinsala ang naiulat sa Ilocos, Mimaropa, Bicol, at Cordillera.

Sinabi ng NDRRMC na 35 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity, kabilang ang buong lalawigan ng Nueva Ecija, gayundin ang Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga, at San Miguel sa Bulacan.

Naibigay ang tulong na nagkakahalaga ng P36,566,330.95 ahs sa mga biktima ng karding sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, at Cordillera, sabi ng NDRRMC. RNT