120 bangkay ng Bilibid inmates dinala sa PGH sa autopsy – Remulla

120 bangkay ng Bilibid inmates dinala sa PGH sa autopsy – Remulla

November 9, 2022 @ 2:53 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasa 120 ng 176 na hindi pa nakukuhang bangkay ng mga preso ng New Bilibid Prison (NBP) ang dinala na sa Philippine General Hospital (PGH) upang isailalim sa autopsy.

Ito ang ibinahagi ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Miyerkules, Nobyembre 9 sa isang ambush interview kung saan nagkaroon na umano ng kasunduan sa pagitan ng DOJ at PGH nitong Huwebes para sa turnover at autopsy ng mga bangkay.

“Aalamin natin kung anong cause of death based on the carpeta and based on the death certificate and the actual autopsy to be conducted by Dr. [Raquel] Fortun,” ani Remulla.

“One hundred twenty of them will be turned over. That’s the capacity of the PGH,” dagdag pa niya.

Kamakailan lamang ay sinabi nito na bubusisiin na ng pulisya ang dahilan ng pagkasawi ng mga bilanggo.

Sa ulat, mayroong 176 katawan ng mga nasawing inmates ng NBP ang nasa Eastern Funeral Homes, ang nag-iisang accredited funeral home ng Bureau of Corrections simula Disyembre 2021.

Nitong Lunes lamang, Nobyembre 7 ay nanawagan ang naturang punerarya sa pamahalaan na ipalibing na ang mga bangkay.

Ayon naman kay Eastern Funeral Homes manager Charlie Bucani, pawang mga natural na dahilan ang pagkasawi ng mga inmates at ang ilan pa nga sa mga ito ay nauna nang isinailalim sa autopsy.

Buwan-buwan umano ay mayroong 50 hanggang 60 na bangkay ang nadadagdag sa punerarya at kasama na dito si Cristito Villamor Palana o kilala sa pangalang Jun Villamor na itinuturong middleman sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Bilang pagtatapos, sinabi ni Remulla na ang resulta sa autopsy ng 120 bangkay ay ibibigay muna sa National Bureau of Investigation at sunod sa Philippine National Police. RNT/JGC