1,200 kabahayan nilamon ng apoy sa Davao

1,200 kabahayan nilamon ng apoy sa Davao

February 26, 2023 @ 2:57 PM 4 weeks ago


DAVAO CITY – Nawalan ng tahanan ang nasa 3,500 katao matapos tupukin ng apoy ang kanilang mga bahay kahapon ng hapon, Pebrero 25 sa lungsod na ito.

Ayon sa Davao City Disaster Risk Reduction Management Office, pansamantalang inilikas ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa covered court ng Brgy. 21-C, Piapi Boulevard, Davao City.

Batay sa report ng Davao City Fire District (DCFD), dakong ala-1:00 ng hapon nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Ricky Gantalao, 40, ng nasabing lugar.

Sa inisyal ng imbestigasyon, bigla na lamang lumiyab ang bahay ni Galantao at dahil gawa lamang ito sa light materials ay mabilis na kumalat ang apoy at tinupok ang nasa 1,200 kabahayan.

Wala naman naiulat na nasaktan o namatay sa nasabing sunog maliban sa umabot sa P9 milyon halaga ng ari-arian ang nasunog.

Namahagi na rin ang lokal na pamahalaan ng Davao ng tulong sa mga apektadong residente kabilang ang pamamahagi ng pagkain at tubig.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa sinuman na nais magpaabot ng kanilang tulong sa mga apektado ng sunog na maaari nitong dalhin sa mga drop off points sa Rizal Park (Beside Davao City Hall) mula alas-8 ng umaga, drop points 2:Task Force Davao HQ, Sta. Ana Wharf, Davao City o maaaring tumawag sa numerong 0951-794-2374 at hanapin si Shine Kintanar.

Patuloy naman inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. Mary Anne Sapico