1,200 pang BA.5 Omicron sub-variant cases sa Pinas, natukoy

1,200 pang BA.5 Omicron sub-variant cases sa Pinas, natukoy

September 27, 2022 @ 6:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- May kabuuang 1,200 na bagong BA.5 Omicron subvariant cases ang natukoy sa bansa batay sa pinakahuling sequencing results mula Setyembre 24 hanggang 26, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Martes.

Sa press briefing, sinabi ng DOH na 1,199 na kaso ang lokal at ang isa ay mula sa isang Pinoy na bumalik mula sa ibang bansa.

Sinabi ni Health OIC Maria Rosario Vergeire na ang BA.5 sa bansa ay nasa 41% ang Omicron subvariants ang natukoy.

Samantala, hindi bababa sa 33 BA.4 Omicron subvariant ang nakita din, kung saan 31 ay nagmula sa Soccsksargen at dalawa mula sa Northern Mindanao.

Sinabi ng DOH na hindi bababa sa siyam na lokal na kaso ng Delta variant ang nakita kung saan limang kaso ang nagmula sa Soccsksargen, tatlo sa Caraga, at isa sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Nagtala rin ang DOH ng tatlong bagong kaso ng BA.2.75 Omicron subvariant at dalawang kaso ng BA.2.12.1.

Nag-ulat din ito ng 186 na kaso ng “no assigned lineage” 162 cases ng “other sublineages” at isang case ng “other lineage assigned”.

Sinabi ni Vergeire na bahagi ng lifecycle ng virus ang mutation.

Base sa website ng World Health Organization (WHO) , ang Omicron subvariants sa ilalim ng monitoring nitong September 22, 2022 ay ang BA.5.1, BA.5.2, BA.2.75, BQ.1, BJ.1, at BA.4.6.

Ang Pilipinas noong Lunes ay nakapagtala ng 2,001 bagong kaso ng coronavirus, na nagdala ng kabuuang bilang sa buong bansa sa 3,940,201.

Batay sa pinakahuling bulletin ng DOH, ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay tumaas sa 37,082 mula noong Linggo na 35,999 — na minarkahan ang ikaapat na sunod na araw na mayroong mahigit 30,000 aktibong impeksyon ang bansa.

Samantala, sinabi ni Vergeire na ang pag-alis sa mandatory use ng face mask outdoors ay maaring isa sa mga dahilan ng pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa na aniya ay inaasahan na.

Bukod dito, sinabi ni Vergeire na may iba pang mga kadahilanan kung bakit nasasapul ng mga impeksyon, kabilang ang pagtaas ng mobility ng mga tao, ang pagpapatuloy ng face-to-face na klase, at ang muling pagbubukas ng iba pang mga sektor sa bansa.

Ang mahalaga ayon sa opisyal ay nanatiling mababa ang severe at critical cases at ang hospital admissions ay hindi napupuno.

Ang presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na si Dr. Jose de Grano ay nanawagan sa publiko na panatilihing magsuot ng face mask sa gitna ng napaulat na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sinabi naman ni Vergeire na hindi na kailangang irekomenda ng mga grupo ang muling paggamit ng face mask dahil ang DOH mismo ang gagawa nito kung mapapatunayan na ang pagtaas ng kaso ay dahil sa optional masking. Jocelyn Tabangcura-Domenden