122 katao nagkasakit sa OrMin oil spill

122 katao nagkasakit sa OrMin oil spill

March 14, 2023 @ 5:54 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 122 kaso ng indibidwal na ngayon ang nagkasakit dahil sa epekto ng oil spill mula sa lumubog na motor tanker sa Oriental Mindoro, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Martes.

Sa press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na karamihan sa mga ito ay nakaramdam ng sakit sa ulo at respiratory-related symptoms tulad ng ubo at sipon.

“Marami din pong nahihilo, 16. Meron pong mga sumakit ang tiyan, merong nahirapan huminga, 10. Merong nagkaroon ng skin rashes, around seven. At meron pong lima na na-aggravate—-dahil na na-inhale nila—-na-aggravate ang kanilang asthma,” aniya pa.

Sinabi ni Vergeire na gumaling na ang mga sintomas ng karamihan sa mga kaso na ito.

Isa lamang ang na-admit sa isang ospital dahil sa isang pinalubha na hika, ngunit pinalabas din kinabukasan, aniya pa.

“So ngayon po, mina-manage natin ‘yung mga sintomas na nararamdaman nila and of course, what would be most important would be, ma-prevent natin further ‘yung mga sintomas na mangyayari sa ating komunidad,” ani Vergeire.

Ang MT Princess Empress ay lumubog noong Pebrero 28 sa Naujan habang may dalang 800,000 litro ng pang-industriyang panggatong. Bukod sa Oriental Mindoro, umabot na rin ang oil spill sa mga probinsya ng Antique at Palawan. RNT