1,267 kaso ng COVID naitala

1,267 kaso ng COVID naitala

November 11, 2022 @ 7:26 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umakyat ngayon sa 16,526 ang aktibong kaso ng COVID-19 at 1,267 naman ang nadagdag na bagong kaso ng sakit ayon sa Department of Health (DOH).

Pangalawang araw ito na magkasunod na nakapagtala ng mahigit sa 1,000 bagong kaso sa bansa.

Ayon sa DOH, ang aktibong kaso lamang noong Miyerkules, Nobyembre 9 ay 15,989 kung saan ang kabuuang kaso ngayon sa bansa ay umabot na sa 4,014,039.

Sinundan pa rin ng Calabarzon na may 1,716 kaso ang National Capital Region (NCR) na nakapagtala naman ng 2,925.

May 1,332 naman ang Western Visayas habang sa Central Luzon ay may 992, at Davao Region na nakapagtala ng 919 mga kaso.

Samantala, ang recovery tally ng bansa ay tumaas sa 627 kaso na nagdala sa 3,933,184 sa kabuuan.

Pito rin ang iniulat na namatay sa COVID-19 kaya umabot na ang death tally sa 64,329.

Bahagya ring tumaas ang bed occupancy ng bansa sa 24.5% mula sa dating 24.9% noong Martes, Nobyembre 8.

Ang bilang ng okupadong kama ay nasa 6,976, habang 21,444 ang hindi ginagamit.

Kabuuang 13,499 indibidwal din ang nasuri habang 336 testing labs ang nakapagsumite na ng datos nitong Miyerkules. Jocelyn Tabangcura-Domenden