128 kaso ng bagong Omicron subvariant naitala!

128 kaso ng bagong Omicron subvariant naitala!

January 15, 2023 @ 8:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ang bansa ng 128 bagong kaso ng Omicron subvariant ayon sa Department of Health (DOH).

Ito ay makaraang makapag-sequence ng 137 sample mula noong Enero 3 hanggang 9 ang University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) at Southern Philippines Medical Center (SPMC) kung saan 52 sa mga ito ang natukoy bilang Omicron
BA.2.3.20, 28 ang XBB, 13 ang XBC, 10 ang BA.5, at isang sample naman ang lumitaw bilang BN.1.

Sinabi pa ng DOH na ang 24 na iba pang kaso ay ikinukunsidera bilang ibang uri ng Omicron subvariant.

Sa 52 karagdagang kaso ng BA.2.3.20 cases, 51 ang local cases mula sa Region 1, 2, 3, 4A, 5, 6, 7, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region (NCR); habang ang natitirang isang kaso naman ay isang returning overseas Filipino (ROF).

Dagdag pa, ang naitalang kaso ng BN.1 ay isang lokal na kaso mula sa Rehiyon 6.

Samantala, sa 10 bagong kaso ng BA.5, anim ang local cases mula sa Region 6 at 11 habang ang natitirang apat na kaso naman ay mga ROFs.

Lahat naman ng mga karagdagang kaso ng XBB at XBC ay mga lokal na kaso mula sa Regions 1, 3, 4A, 6, 7, 11, CAR, at NCR.

Ang isang lokal na kaso naman ng Delta variant ay mula sa Region 3 na nakuha sa kalagitnaan ng Disyembre 2022.

Siniguro naman ng DOH na nagpapatuloy ang kanilang monitoring partikular na sa mga subvariant ng Omicron na higit na nakahahawa. RNT/JGC