129 magsasaka sa Pangasinan tumanggap ng titulo ng lupa mula sa DAR

129 magsasaka sa Pangasinan tumanggap ng titulo ng lupa mula sa DAR

July 23, 2022 @ 4:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Aabot sa 129 magsasaka sa Pangasinan ang tumanggap ng titulo ng lupa mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) makalipas ang siyam (9) na taon ng paghihintay ay natanggap na ng mga magsasaka mula sa Barangay Hacienda sa Bugallon, Pangasinan ang kanilang certificates of land ownership award (CLOA) mula sa DAR.

“Halos siyam na taon kaming naghintay. Akala ko nananaginip pa ako pero nangyayari na pala,” ani Malonie Tejada, isa sa mga magsasaka na ngayon ay nag-mamay ari na ng lupa.

Sinabi naman ni Ricardo Cunanan, isa pang benepisyaryo, na dumaan sila sa maraming hirap bago nila tuluyang natanggap ang lupa.

“Sa tulong ng DAR at sa awa ng Diyos, nakamit namin ang aming inaasam-asam na lupa,” ani Cunanan.

Kaugnay nito ayon kay DAR Asst. Regional Director na si Maria Ana Francisco, ang 40-ektaryang sakahan sa barangay, na dating pag-aari ni Eduardo Dee at ibinenta kay Dr. Macario Feliciano, ay nakuha ng DAR sa pamamagitan ng compulsory acquisition at dumaan sa ilang legal na proseso bago tuluyang mairehistro sa Registry of Deeds ngayong taon.

Samantala binigyang-diin ni Francisco ang kahalagahan ng pagsali ng mga magsasaka sa mga kooperatiba upang lubos nilang matamasa ang mga serbisyo ng DAR at umunlad bilang isang komunidad.

“Pahalagahan po ninyo ang titulong ito. Ngayon ay mayroon na kayong pinanghahawakan. Sa wakas, kayo ay mga landowner na,” sinabi nito.

Matapos ang paggawad ng mga titulo, nagsagawa ang DAR ng education seminar para sa 129 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na miyembro ng Bugallon Federation of Free Farmers Marketing Cooperative. Santi Celario