129 PDLs sa Cebu nagtapos ng pag-aaral

129 PDLs sa Cebu nagtapos ng pag-aaral

August 14, 2022 @ 3:03 PM 2 months ago


CEBU, Philippines – Nagtapos sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ang nasa 129 Persons Deprived of Liberty (PDL) ng Cebu City Jail Female Dorm.

Sa 129 na nagtapos, 49 ang nagtapos ng elementarya at 81 ay mula sa junior high school, ani Jail Officer (JO1) Rhea Dayucos, ALS instructional manager.

Ang pinakabata ay isang 20 taong gulang na babae, na nagtapos ng high school at ang pinakamatanda ay isang 70 taong gulang na babae.

Sinabi ni Dayucos na ang mga preso na ito ay boluntaryong nagpatala sa ALS sa ilalim ng programang “Tagapangalaga Ko, Guro Ko” ng Bureau of Jail Management and Penology.

Sa 898 kabuuang bilang ng mga preso sa loob ng pasilidad, sinabi ni Dayucos na 35 porsiyento o hindi bababa sa 314 dito ay ALS eligible.

Para sa school year na ito, sinabi ni Dayucos na ang jail facility ay nagbubukas ng Senior High School program sa pamamagitan ng Academic Global Colleges.

Ang Alternative Learning System ay isang parallel learning system sa Pilipinas na nagbibigay ng mga pagkakataon para sa mga out-of-school-youth at adult na mag-aaral na magkaroon ng access sa edukasyon bukod sa pormal na sistema ng edukasyon o mga nakabatay sa silid-aralan. RNT