12M digital version ng national ID, naipamahagi na – PSA

12M digital version ng national ID, naipamahagi na – PSA

December 27, 2022 @ 2:09 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 12 milyon ang digital version ng national ID na naipamahagi ng Philippine Statistics Authority.

Kilala ito sa tawag na ePhilID.

Ayon kay Philippine Identification System registry office officer-in-charge Fred Sollesta nitong Martes, Disyembre 27, layon ng ahensya na maglunsad ng downloadable version nito bago matapos ang taon.

“We have already pregenerated 21.75 million ePhilIDS. So far, we have distributed or issued close to 12 million, actually 11.9, and we are poised to achieve 13 million ePhilID issuance by the end of the year,” ani Sollesta sa panayam ng ANC.

“Hopefully, we can launch the downloadable version by the end of the year and doing full blast for the downloadable version starting January next year,” dagdag pa niya.

Ang ePhilID ay bahagi ng estratehiya ng PSA na magamit na agad ang PhilSys bilang valid proof of identity.

Mayroon itong functionality at validity na katulad ng physical card at sinabing tatanggapin ng mga ahensya ng pamahalaan at mga pribadong establisyimento sa iba’t ibang transaksyon.

Iimbestigahan naman ng PSA ang ulat na may mga depektibong ePhilIDs.

“Our [communication] team is doing the coordination especially with our field offices if there were cards surrendered with defects,” ani Sollesta.

Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos jr. ang pagpapabilis sa pag-imprenta ng ePhilIDs na magsisilbing temporary national ID hanggang maipamigay na ang physical card. RNT/JGC