13.5K nars, kakailanganin ng gobyerno sa 2019 – JV

13.5K nars, kakailanganin ng gobyerno sa 2019 – JV

April 11, 2019 @ 3:54 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Nakatakdang mangalap ang pamahalaan ng mahigit 13,000 nars sa taong ito upang punan ang kakulangan sa iba’t ibang public hospitals dahil may sapat na pondo sa pampasuweldo at iba pang benepisyo sa General Appropriations Act.

Inihayag ito ni Senador JV Ejercito matapos ilantad na may mahigit P7 bilyong pondo para sa sahod at iba pang financial benefits para sa pangangalap ng mahigit 13,578 nars sa ilalim ng Human Resources for Health (HRH) program ng Department of Health (DOH).

Sa ngayon, umaabot lamang sa 3,627 nars ang nagtatrabaho sa pamahalaan.

“This year, the national budget allows for the hiring of 13,578 more nurses for deployment in different DOH-retained hospitals, local government unit hospitals, rural health units, and barangay health stations. Sa kabuuan, kasama na ang 3,627, magkakaroon ng 17,205 nurses sa mga ospital na pinatatakbo ng gobyerno,” ayon kay Ejercito sa pahayag.

Bilang chairman ng Senate committee on health and demography, isinulong ni Ejercito ang alokasyon ng P7 biyon para sa HRH habang ginaganap ang deliberasyon sa pambansang badyet.

Si Ejercito din ang nagtulak at nag-isponsor ng Universal Health Care Law.

 “It’s like hitting two birds with one stone. First, the additional nurses will improve medical services in government-run hospitals, and, second, 13,578 jobless nurses will be given gainful employments,” aniya.

Hindi rin tinanggal ni Ejercito ang P15 bilyong pondo para sa Health Facilities Enhancement Program ng DOH habang nasa deliberasyon ang badyet ng ahensiya. Ernie Reyes