13 bahay naabo sa posporo

13 bahay naabo sa posporo

July 31, 2022 @ 12:45 PM 1 week ago


MANDAUE CITY- Naabo ang 13 kabahayan matapos masunog dahil umano sa nilarong posporo ng isang bata nitong Sabado sa bayang ito.

Batay sa report ng Mandaue City Fire Office (MCFO) dakong alas-12:23 ng tanghali nakatanggap sila ng report hinggil sa nasusunog na bahay sa isang compound sa Hernan Cortes Street, Barangay Subangdaku, Mandaue.

Ayon kay SFO4 Jimmy Belicario, MCFO City fire director, nagsimula ang sunog sa isang bahay sa Eusebio Compound na pagmamay-ari ng isang Sirena Rosel.

Sa pagresponde ng mga tauhan ng pamatay-sunog sa nasabing lugar malaki na ang apoy sa loob ng compound at agad itong binombahan ng tubig ng apat na fire truck.

Umakyat sa ikalawang alarma ang sunog at makalipas ang 30 minuto ay idineklara na itong fire out.

Sinabi naman ni Rosel, paglabas niya ng bahay para magtinda ay nakita niya ang anak ng kanilang kapitbahay na may hawak na posporo at pumasok ito sa loob na posibleng naging sanhi ng sunog.

Tinatayang aabot sa P300,000 halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy.

Samantala, nitong Biyernes bandang alas-9:18 ng gabi, sumiklab rin ang apoy sa isang bahay sa L. Lopez Drive, Barangay Calamba, Cebu.

Kinilala ni Fire Officer 3 Emerson Arceo , ang may-ari ng bahay na si Emily Ensomo.

Kwento ni Ensomo, dakong alas-5 ng hapon nang nawalan sila ng suplay ng kuryente dahil kinukumpuni ito ng Visayan Electric.

Pinatong niya ang kandila sa itaas ng cabinet habang nagpapatulog sa kanyang anak at pati siya ay nakatulog na rin kaya nakalimutan nitong patayon ang kandila.

Nagising na lamang sila na mainit sa loob ng bahay at amoy sunog kaya agad silang nakalabas ng bahay.

Rumesponde naman ang mga awtoridad sa lugar at ilang minuto lamang ang nakalipas ay idineklara na rin itong fire out.

Umabot naman sa P225,000 ang halaga ng mga ari-arian tinupok ng apoy.

Wala naman naiulat na nasaktan o nasawi sa dalawang insidente ng sunog. Mary Anne Sapico