13 Chinese national arestado sa phishing

13 Chinese national arestado sa phishing

April 22, 2022 @ 5:49 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Timbog ang 13 Chinese nationals na gumagawa ng pishing activities sa kapwa nila mga dayuhan sa pagsalakay ng National Bureau of Investigation-Special Task Force (NBI-STF).

Kinilala ang mga suspek na sina Chen Qi Jun, Ou Zhong Qi, Chen Binggui, Chen Bei Xin, Wu Xingze, Yin Peng, Zheng Zhi Fa, Xu Shao Peng, Wei Chen, LI Chuangin, Yu Zou Wu, Chen Hua Sheng at Zheng Shun Jin.

Nag-ugat ang operasyon sa impormasyong natanggap ng NBI-STF mula sa empleyado ng 2G Company (2G) na sinasabing tinuruan siya ng   kumpanya na lumahok sa kanilang detalyadong pamamaraan ng pag-iimbak ng ilang dayuhang biktima gamit ang mga pang-akit ng cryptocurrency.

Idinagdag ng informant na mula noong unang araw niya ay tinuruan na siya kung paano makipag-chat sa mga bibiktimahin  hanggang sa maakit at ma-engganyo niyang magbukas ng Binance at Metamask account.

May script din aniyang ibinibigay sa kanila upang ma-master  ang pakikipag-chat sa kanilang mga dayuhang biktima kung saan binigyan sila ng posibleng target na bibiktimahin.

Agad namang nagkasa ng operasyon ang NBI matapos maberipika ang nasabing modus sa 2G at isinilbi ang warrant kung saan naaresto ang mga dayuhang mga suspek.

Isinalang na sa  City Prosecutor Office ng Parañaque ang mga suspek dahil sa paglabag sa R.A. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. Jocelyn Tabangcura-Domenden