13 local hospital bill ni Bong Go, aprub na sa Senado

13 local hospital bill ni Bong Go, aprub na sa Senado

June 1, 2021 @ 5:25 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang 13 local hospital bills na inisponsoran ni Senator Christopher “Bong” Go.

Sa kanyang speech sa Senate session, lubos na pinasalamatan ni Go ang kanyang mga kasama sa pagsuporta sa mga inihain niyang panukala para pumasa at maging ganap na batas.

“Maraming salamat po sa lahat ng ating mga kasamahan dito sa Senado, majority man or minority, sa inyo, Mr. President, at sa ating Majority Floor Leader, Senator Zubiri, for providing the needed assistance in shepherding these measures for their passage,” ani Go.

Pinasalamatan din niya si Senate Minority Leader, Senator Frank Drilon, sa tulong nito na mabigyan ng atensyon ng Senado ang mga isyu sa serbisyong pangkalusugan na ayon kay Go ay nangangailangan ng masusing pag-aaral.

“I know both of us are just passionate in wanting to make lives better for all Filipinos,” pahayag ni Go.

Si Go, chairman ng Senate Committee on Health, ay iginiit ang kanyang dedikasyon na lalo pang mapabuti ang kanyang responsibilidad bilang mambabatas.

“Sa totoo lang po, kahit araw-araw po akong maghi-hearing dito sa Senado, wala pong problema. Kahit ginagawa na nang boxing match ng ating Majority Floor Leader, basta po sa kapakanan ng ating mga kababayan,” ani Go.

Naniniwala ang senador na may mga proseso pang dapat pagdaanan na kahit nakapag-hearing na sa komite ay kailangan pa ring masiguro na kumpleto ang requirements.

“Dahil maaaring hindi rin ma-implementa ang mga ipapasa nating batas kung hindi rin naman kumpleto ang mga kailangan, so iniiwasan po natin na ma-veto po itong mga bills na talagang pinaghirapan po natin,” ayon kay Go.

Ayon kay Go, ang mga pinuno ng komite ay kailangang i-exercise ang kanilang diskresyon sa pagrerebyu o pagtalakay sa mga panukalang batas at iginagalang niya ang karapatang ito.

“Discretion din naman ng chair kung kailan isasalang ang mga bills sa kanyang komite. In fact, sixteen of my bills have not been heard by the respective committees but I respect the discretion of my colleagues if and when they see it fit to hear the measures under their committees,” ayon sa senador.

“Last year, we focused on national bills which may make us better prepared for future pandemics. We also managed to pass eleven hospital laws na nakapag-sumite po kaagad ng requirements,” aniya pa.

Sinabi ni Go na hindi siya titigil na ipaglaban kung ano ang makabubuti sa Filipino, lalo sa mga mahihirap nating kababayan.

“Kahit na anong hirap ang pagdaanan ko, basta po kapakanan ng ating mga kababayang mahihirap, ipaglalaban ko po,” pagtiyak niya. ####