13 PNP officials ‘di pa nagsumite ng courtesy resignation-Azurin

13 PNP officials ‘di pa nagsumite ng courtesy resignation-Azurin

January 19, 2023 @ 9:34 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines — Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na humigit-kumulang 99 porsiyento ng mga pangunahing opisyal nito ang nagsumite ng kanilang courtesy resignation.

Hindi bababa sa 937 sa humigit-kumulang 950 heneral at koronel ang tumugon sa panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa courtesy resignation sa layuning linisin ang puwersa ng mga tauhan na sangkot sa illegal drug trade, ani PNP chief Gen. Rodolfo Azurin , Jr.

Ilan sa mga opisyal na hindi pa nagsumite ng kanilang pagbibitiw ay nakatakda na ring magretiro, aniya sa isang command visit sa Police Regional Office 12.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo nitong nakaraang linggo na pinili ng ilang opisyal na hintayin ang kanilang pagreretiro sa halip na magbitiw.

Nauna nang nawagan si Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. para sa mga police colonel at heneral na mag-alok ng kanilang courtesy resignation hanggang Enero 31 matapos matuklasan ng isang pagsisiyasat na may mga opisyal na sangkot sa illegal drug trade.

Maaari naman silang magpatuloy sa pagtatrabaho habang sinusuri ang kanilang mga rekord ng isang 5-member committee.

Ang mga mapatunayang nagkasala ay tatanggapin ang kanilang mga pagbibitiw. Ang sinumang hindi nagsumite ng kanilang pagbibitiw ay magiging “kwestyonable,” ayon kay Abalos. RNT