13 sa 17 LGU sa NCR moderate risk na sa COVID

13 sa 17 LGU sa NCR moderate risk na sa COVID

September 29, 2022 @ 7:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Health na 13 sa 17 na lungsod na sa National Capital Region ang nasa ilalim ng ‘moderate risk’ sa COVID-19.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ngayong Huwebes, Setyembre 29, nakapagtala ng pagtaas sa kaso ng mga nahahawaan ng COVID-19 ang mga lungsod na ito sa Metro Manila.

“Although hindi pa siya dun sa significant levels pero nakikita natin na 13 out of 17 areas in the National Capital Region ay pumalo na sa moderate risk classification,” ani Vergeire sa press briefing.

Ang mga lungsod na ito ay ang Manila, Quezon City, Makati, Las Pinas, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Paranaque, Pasay, Pasig, San Juan, Taguig at ang munisipalidad ng Pateros.

Upang maikonsiderang moderate risk na sa COVID-19 ang isang lungsod ay kailangan itong mayroong positive 2-week growth rate sa bilang ng kaso ng COVID-19 at nasa pagitan ng 1 hanggang 7 ang average daily attack rate.

Dagdag pa rito, anim sa 17 lugar sa Metro Manila ang nakakita na rin ng pagtaas sa hospital admissions dahil sa COVID-19.

Ito ang Pasig, Muntinlupa, Malabon, Makati, Navotas at Caloocan. RNT/JGC