13,000 empleyadong nawalan ng trabaho sa Boracay, kinalampag ni SAP Go

13,000 empleyadong nawalan ng trabaho sa Boracay, kinalampag ni SAP Go

July 13, 2018 @ 9:25 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Tinawagan ng pansin ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ang 13,000 manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pansamantalang pagsasara ng isla ng Boracay na mag-avail na sa tulong-pinansiyal na bigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng Adjustment Measures Program (AMP).

Ani Go, 10,000 pa lamang kasi ang nag-avail ng programa at mayroon pang 13,000 na hindi pa naga-avail nito.

“Taga-doon (Boracay) talaga halos lahat. Actually marami pang unaccounted na nanawagan nga kami, kasi about mga 10,000 lang iyong nag-avail nung programa. So sa pagka-alam namin, about 23,000 sila. So, nananawagan kami doon sa mga 13,000 na puwede pa silang mag-avail ng programa at magkaroon ng trabaho doon,” aniya pa rin.

Kabilang sa tulong pinansyal ang P4,200 na ayuda kada buwan sa loob ng anim na buwan, employment facilitation, at mga pagsasanay.

Ang AMP Boracay Emergency Employment Program (BEEP), ay may layong palakasin ang pagkakataon ng mga manggagawa na magkaroon ng trabaho, linangin ang kanilang kapasidad at maibsan ang negatibong resulta sa ekonomiya ng rehabilitasyon ng isla.

Ang mga interesadong aplikante ay maaaring magsumite ng kanilang duly accomplished BEEP AMP Application Form; photocopy ng certificate of employment; photocopy ng anumang government-issued ID; at patunay ng isang account sa Land Bank of the Philippines sa DOLE Regional Office VI, o sa anumang mga Field Offices nito.

Para naman sa mga apektadong manggagawa na bumalik sa kani-kanilang mga bayan, maaari pa rin silang magsumite ng aplikasyon sa pinakamalapit na DOLE Regional/Field/Satellite Offices.

Samantala, ang mga manggagawa sa informal sector at indigenous people na naapektuhan ng pagsasara ng isla ay maaari ring mag-aplay ng tulong sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), na nagbibigay ayuda naman para sa emergency employment sa pamamagitan ng 10-araw na community work. (Kris Jose)