135K indibidwal apektado ng bagyong Paeng sa Western Visayas

135K indibidwal apektado ng bagyong Paeng sa Western Visayas

October 29, 2022 @ 3:22 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 135,000 katao ang lumikas at naapektuhan ng Severe Tropical Storm Paeng sa Kanlurang Visayas.

Ito ang ulat ng Office of the Civil Defense (OCD) kung saan dalawa ang naiulat na nasawi, isa sa Tapaz, Capiz at isa sa San Joaquin, Iloilo.

Ang probinsya ng Capiz ang pinakanapuruhan na mayroong 21,263 pamilya ang naapektuhan o katumbas ng 66,953 indibidwal partikular na sa mga binahang bayan ng Cuatero, Dumalag, Sigma, Jamindan, Mambusao, Tapaz, Panay, Dumarao, Ma-ayon, Sapi-an, Sigma at Tapaz.

May 12 bayan naman sa Antique ang binaha at ito ang Tibiao, San Jose, Patnongon, Sibalom, Hamtic, Tobias Fornier, Laua-an Culasi, Bugasong, Valderrama, Belison, at San Remigio na nakaapekto sa 2,883 pamilya o 12,772 indibidwal.

Sa Aklan ay meron namang anim na bayan ang lubog sa baha partikular na ang Libacao, Altavas, Nabas, Kalibo, Numancia at Balete, na nagpalikas sa 8,196 pamilya o 26,194 katao.

Samantala, sa Negros Occidental ay may 4,570 pamilya o 20,729 katao mula sa bayan ng Calatrava, Valladolid, E.B. Magalona at mga lungsod ng San Carlos, Sipalay at Bacolod ang kinailangang ilikas bilang pag-iingat sa epekto ng bagyong Paeng.

Panghuli, sa Iloilo ay mayroon namang 1,866 pamilya o 6,890 indibidwal ang inilikas sa Dingle, San Enrique, San Dionisio and Sara towns at Passi City.

Maliban sa mga inilikas ay mayroon ding mga kalsada at tulay ang hindi madaanan partikular na ang Kalibo-Numancia, Aklan. RNT/JGC