136K katao, apektado ng bagyong Agaton – NDRRMC

136K katao, apektado ng bagyong Agaton – NDRRMC

April 11, 2022 @ 2:40 PM 3 months ago


SUMAMPA na sa 136,000 indibidwal ang naapektuhan ng malawakang pagbaha bunsod ng Bagyong Agaton.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, mahigit 3,700 pamilya na ang nananatili ngayon sa mga evacuation center habang higit 25,000 ang nakikitira muna sa kanilang mga kaanak o kaibigan.

Dahil sa malalakas na pag-ulan, nasa 195 lugar na ang binaha sa Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Batay pa sa ulat, isa ang naitalang nasawi dahil sa bagyo, dalawa ang nasugatan at isa ang nawawala.

Nasa 49 na bahay naman ang napinsala ng bagyo sa Central Visayas, Northern Mindanao at Caraga.

Samantala, tinatayang nasa P874,000 na ang danyos ng bagyo sa mga pananim sa Soccsksargen at BARMM.

Mahigit 2,300 indibidwal naman ang stranded sa mga pantalan sa buong bansa habang apektado rin ang operasyon ng 1,180 rolling cargoes, anim na barko at isang motorbanca. RNT/ JCM