13,856 MT imported galunggong dumating na – BFAR

13,856 MT imported galunggong dumating na – BFAR

January 27, 2023 @ 7:13 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Dumating na sa bansa ang 55% o 13,856.64 ng 25,056.27 metric tons (MT) ng galunggong na inangkat mula noong Nobyembre 2022 bago ang pagpapatupad ng tatlong buwan na closed fishing season sa Palawan.

Sa pahayag ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) nitong Huwebes, Enero 26, ang importasyon ng frozen round scad, bigeye scad, mackerel, bonito, at moonfish para sa mga palengke ay naaayon sa certificate of necessity to import na pinirmahan ng DA noong Nobyembre 10, 2022 at iiral hanggang Enero 31, 2023.

Matatandaan na pinayagan ng BFAR ang pag-aangkat para matugunan ang suplay ng galunggong na inaasahang ninipis dahil sa limitadong suplay nito sa implementasyon ng closed fishing season sa Palawan.

Sa kabila ng nagpapatuloy na implementasyon ng closed season, nananatili ang presyo ng galunggong kung saan ang lokal na isda ay nasa P280 kada kilo habang anf imported ay nasa P220 kada kilo hanggang P240 kada kilo.

Sinimulan ang closed fishing season sa Hilagang-Silangan na bahagi ng Palawan noong 2015 sa ilalim ng joint DA at Department of Interior and Local Government Administrative (DILG) Order 1 na nagbibigay ng sapat na panahon sa mga isda na makapagparami.

Ipinatutupad ang closed fishing season mula Nobyembre 1, 2022 hanggang Enero 31, 2023.

Mula nang ipinatupad ito noong 2015, nakakatanggap ng positibong resulta ang DA-BFAR kaugnay sa produksyon ng galunggong.

Nitong 2021, naitala ng National Stock Assessment Program (NSAP) ang annual catch na 1,146 MT na mas mataas sa 453.89 MT annual catch noong 2015.

“Throughout the closed fishing season, DA-BFAR’s regional office in Palawan conducted continuous patrol operations in the conservation area,” ayon sa ahensya. RNT/JGC