14.1M kabataan fully vaccinated na vs COVID

14.1M kabataan fully vaccinated na vs COVID

August 12, 2022 @ 5:14 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 14.1 milyong kabataan ang ganap na nabakunahan laban sa COVID-19 bago ang pagbubukas ng paaralan ngayong buwan, sinabi ng Department of Health ngayong Biyernes.

Sa bilang, nasa 9.8 milyon ang mga kabataan na may edad 12 hanggang 17 ang fully vaccinated na, habang nasa 4.3 milyon ang mga batang edad 5 hanggang 11 ang bakunado na rin, ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na pinuri ang datos para sa nalalapit na pasukan.

Itinakda ng Department of Education ang pagbubukas ng School Year 2022 hanggang 2023 sa Agosto 22.

Ayon sa kautusan ng DepEd, ang mga pampubliko at pribadong paaralan sa basic education ay maaari lamang magpatupad ng distance at blended learning hanggang Okt. 31, 2022 at simula Nob. 2, ang mga paaralan ay dapat nang magkasa ng 5 araw ng in-person classes kada linggo, anuman ang alerto antas ng katayuan sa kanilang lugar.

Ang pinakahuling datos ng DepEd ay nagpakita ng hindi bababa sa 18.6 milyong mga mag-aaral sa basic education ang nagparehistro para sa darating na pasukan sa Miyerkules. Ang bilang ay higit sa kalahati ng target ng ahensya na 28.6 milyong mag-aaral.

Sa ngayon, mahigit 72 milyong Pilipino ang ganap na nabakunahan laban sa sakit. Kabilang dito ang 6.8 milyong senior citizens na nakatanggap ng jab, sinabi ng DOH.

“Kaya naman makiisa tayo sa ating boosted Pilipinas, PinasLakas and get the jabs done, lalong-lalo na po sa madaling panahon para maipataas po natin muli ang wall of immunity dito sa ating bansa,” pakiusap ni Vergeire.

Ang programang PinasLakas ay naglalayong magbigay ng 23 milyong booster jabs sa loob ng unang 100 araw sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT