14 minero arestado ng DENR sa illegal quarrying sa Davao City

14 minero arestado ng DENR sa illegal quarrying sa Davao City

January 3, 2022 @ 4:52 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Dahil sa paglabag sa kalikasan inaaresto ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ng kanilang Environmental Law Enforcement and Protection Service (ELEPS) ang 14 na minero na nagsasagawa ng hindi awtorisadong quarrying activity sa Waan, Davao City noong Disyembre 11, 2021.

Sa press release ayon kay DENR Secretary Roy A. Cimatu, ang patuloy na pag-aresto sa mga environmental criminals ay kinakailangan upang matakot at panghinaan ng loob ang mga itong lumalabag sa batas pangkalikasan.

Kaugnay nito ang pahayag na ito ni Cimatu ay inilabas matapos ang isinagawang operasyon sa Barangay Waan, Buhangin District, Davao City na nagresulta sa pagkakaaresto sa 14 na katao at pag kumpiska ng labing-apat na kagamitan.

“Our achievements in 2021 are further bolstered with our enforcement activities, especially when it comes to anti-illegal wildlife trading, anti-illegal logging, and anti-illegal mining and quarrying activities,” saad ni Cimatu.

Samantala noong Marso 7, 2021 nang maglabas si Davao City Mayor Sara Z. Duterte ng cease and desist order (CDO) matapos balewalain ng mga operator ang naunang CDOs na inisyu ng City Mining Regulatory Board mula 2018 hanggang 2020.

Bukod sa ELEPS, kasama rin sa operasyon ang DENR-Region 11, Mines and Geosciences Bureau-Region 11, Davao City Police, Davao City Environment and Natural Resources Office, Task Force Davao at Public Safety and Security Command.

Ang mga naarestong minero ay dadaan sa legal na proseso sa paglabag sa Republic Act (RA) 7942 o ang Philippine Mining Act of 1995.

Kaugnay nito ayon kay DENR Undersecretary for Enforcement Benito Antonio de Leon, ang patuloy na pagtatagumpay ng ELEPS sa mga operasyon nito ay nagpapatunay lamang na ang DENR ay nangangailangan ng enforcement bureau upang palakasin ang kasalukuyan nitong ginagawa.

“May our victories catch the eye of our legislators to ensure that this kind of work would continue, even beyond the current administration,” saad ni de Leon.

Sa mga nakalipas na buwan, pinangunahan din ng ELEPS ang pagkakaaresto sa ilang indibidwal na nagsasagawa ng hindi awtorisadong quarrying at operasyon sa loob ng Taal Volcano Protected Area Landscape. Santi Celario