14 na rehiyon nalampasan ang epidemic threshold ng dengue

14 na rehiyon nalampasan ang epidemic threshold ng dengue

June 22, 2022 @ 4:23 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Labing-apat mula sa 17 rehiyon sa bansa ang lumampas na sa kanilang epidemic threshold para sa dengue.

Sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, aabot na sa 39,705 dengue cases ang naitala sa bans amula noong Enero 1 hanggang Hunyo 4, na 31% na mas mataas kumpara sa mga kasong naitala sa kaparehong panahon noong 2021.

Karamihan aniya sa mga kaso ay nagmula sa Central Visayas, Central Luzon, at sa Zamboanga Peninsula.

Samantala, sa pagitan lamang ng Mayo 8 hanggang Hunyo 4 ay nakapagtala na ang bansa ng 9,814 na kaso ng dengue na karamihan ay mula sa Central Luzon, Central Visayas, at Calabarzon.

“‘Yun pong ibang mga regions, we are already noting increasing trends in the recent comorbidity weeks. So 14 out of 17 regions na po ang nakapag exceed ng kanilang epidemic thresholds for the past four weeks,” ani Vergeire.

Samantala, umabot na sa 202 ang naitalang nasawi dahil sa sakit simula noong Enero.

Sa nasabing bilang, 29 ang naiulat noong Enero; 36 noong Pebrero; 34 noong Marso; 43 noong Abril; 48 noong May, at dalawa ngayong Hunyo.

Muli namang pinayuhan ni Vergeire ang publiko na sumunod sa 4S strategy na kinabibilangan ng search and destroy breeding places, secure self-protection, seek early consultation, at support fogging or spraying sa mga itinuturing na hotspot areas. RNT/ JCM