14 sapul ng sakit sa oil spill

14 sapul ng sakit sa oil spill

March 6, 2023 @ 12:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Hindi bababa sa 14 residente ng bayan ng Pola sa Oriental Mindoro ang nagkasakit kasunod ng oil spill sa lumubog na oil tanker, ayon sa opisyal nitong Lunes.

“Meron na tayong isang dinala sa ospital na bata, and yung other 13 na kahapon, kasi kahapon lang naman tayo nagtanong-tanong at pinapunta ko yung (municipal health officer) natin sa isang barangay na sobrang affected ng oil spill,” pahayag ni Pola Mayor Jennifer “Ina Alegre” Cruz.

Sinabi ng health department na sinusuri nito ang mga sintomas na naranasan ng mga residente at binabantayan ang water at air toxicology sa lugar. Hinikayat din nito ang paglipat ng mga residente sa mga ligtas na lugar habang inaayos ng pamahalaan ang sitwasyon.

Lumubog ang MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil sa Oriental Mindoro nitong nakaraang linggo.

Isinailalim ang bayan ng Pola sa state of calamity.

Nakaaapekto na rin umano ang trahedya sa turismo sa Pola, ayon sa alkalde nito.

“Nagka-cancel na yung ibang nagbu-book sa mga resorts owners natin,” ani Cruz. 

“Simula kagabi po nagsimula na ang curfew sa ating mga kabataan, 21 years old pababa…kasi yun yung alam natin na palaging pumupunta sa tabing-dagat natin at para minsan nag-iinuman. O mamaya biglang nakalimutan nila na may oil spill doon. Baka sila maligo sa dagat,” dagdag niya.

Rekisitos din sa mga residente ang pagsusuot ng face mask bilang proteksyon sa health hazards dulot ng oil spill. RNT/SA