1,400 quake victims sa N. Luzon tutulungan ng TESDA

1,400 quake victims sa N. Luzon tutulungan ng TESDA

September 9, 2022 @ 3:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Target ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na isailalim sa training ang 1,400 biktima ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Northern Luzon noong Hulyo, ayon sa director general ng ahensya nitong Biyernes.

Sinabi ni TESDA director-general Atty. Danilo Cruz sna makikipag-ugnayan ang ahensya sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng isang joint memorandum circular upang tulungan ang mga biktima ng lindol.

“‘Yung kanilang programang TUPAD ay sasamahan namin ng skills training. Kung ang iyong tahanan ay nasira ng nagdaang lindol, magpo-provide kami ng training sa mga karpentero, sa mga mason, sa mga electrician,” aniya sa isang public briefing.

“Bibigyan na namin sila ng tool kits na gagamitin nila at ang DOLE naman, through sa kanilang TUPAD, ay bibigyan sila ng corresponding allowances,” dagdag niya.

Samantala, nang tanungin kung may planong palawigin ang programa sa ibang rehiyon, sinabi ni Cruz na walang humpay ang pakikipag-ugnayan ng TESDA sa DOLE.

Sinabi rin niya na lumilikha ang TESDA ng sistema na naglalayon na pagsamahin ang skills registry ng TESDA at ang skills mapping ng DOLE upang tugunan ang job-skill mismatch sa bansa.

“Kung mapapagsama natin ‘yan… madaling makita ng mga tao kung anong klaseng manggagawa ang hinahanap ng ating industriya at ‘yun ay matutugunan ng tamang training program,” sabi niya. RNT/SA